MATAPOS natin ibida ang tikas ni Jonathan Garote sa hanay ng mga oil smugglers, ilantad naman natin ang talaan ng mga illegal gambling operators na sumasamba sa kanya – sa paniniwalang mas uunlad pa ang kanilang diskarteng pilipit sa tulong ng nagpapakilalang kolektor ng mga prominenteng heneral mula sa Philippine National Police.
Sa lalawigan ng Batangas – partikular sa bayan ng Padre Garcia, ipinangangalandakan ni Garote ang koneksyon kay Batangas Gov. Hermilando Mandanas at Batangas provincial police chief Col. Samson Belmonte.
Kaya naman walang magawa ang mga ilegalista kundi ibigay ang anumang kahilingan ni Garote sa pagnanais na hindi maperwisyo ang STL-con-Jueteng, bookies at paihi ng tambalang Tisoy at Nonit.
Bukod kina Gov. Mandanas at Col. Belmonte, kaladkad ang pangalan ni Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez sa pangingikil sa mga bookies operator na sina Raffy at LAT sa bayan ng Malvar.
Ang nakakatawa, maging ang isang alyas General Abu Sayyaf na tinaguriang hari ng mga ilegal na pasugalan sa Batangas at Malabon City, tila kumbinsido sa ibinibidang koneksyon ni Garote.
Kaya ang bilin ni General Abu Sayyaf sa mga tuta niyang sina PO3 Enca (palibhasa matakaw sa pera) at Kap Borce na kapwa may sariling STL-con-bookies operation sa bayan ng Laurel, Naome, Reming at Recio ng Sta. Teresita at Calatagan – pakitunguhan nang may paggalang si Garote.
Malakas ang dating ng pangalan ng damuhong si Jonathan Garote sa mundo ng ilegal na sugal. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang pati ang bantog na si Boy Life, dinadapuan din niya para sa bonggang ganansyang hatid ng pergalan na nasa likod mismo ng munisipyo ng bayan ng Lobo.
Hagip din sa pasada ni Garote ang isang alyas Liza ng Barangay Leviste sa bayan ng Laurel, pwesto pejo ni Glenda sa tabi mismo ng CP Reyes Satellite Clinic sa Barangay Santiago Malvar, alyas Charlie sa CD Way, Barangay Balintawak at Vina Badiday sa Barangay Bugtong sa lungsod ng Lipa.
Wala rin kawala sa delihensya ni Garote sina Camilo, Estole at Aying na pawang nasa likod ng mga saklaan at Montehan sa bayan ng Sto. Tomas at lungsod ng Lipa.
Ang nakakapagtaka, pangalan ni Gen. Nartatez ang bukambibig ni Garote sa pambabarako sa mga illegal gambling operator sa Calabarzon gayong nasa National Capital Region na ang heneral na usap-usapang susunod na PNP Director-General.
Pero teka… may nakapagbulong sa inyong lingkod na umusok sa galit ang ilog ni Gov. Mandanas matapos mabalitaan na ginagamit ni Garote ang Kapitolyo sa pangingilak ng lingguhang payola sa mga illegal gambling operator sa nasasakupang lalawigan.
Sino kaya kina Gov. Mandanas, Col. Belmonte at Gen. Nartatez ang unang makakasilat kay Garote?
Abangan.