
Ni ESTONG REYES
MATAPOS mabisto ang bahid ng dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na kumaladkad sa pangalan ng Pangulo sa kalakaran ng droga, target ng Senado tukuyin ang nagbayad kay former PDEA investigation agent Jonathan Morales para lumikha ng eskandalo.
“Itanong natin yan sa kanya tanong natin kung may nagbayad sa kanya. Tanong ko yan next hearing… Haharap pa rin siya,” wika ni Senador Ronald dela Rosa na tumatayong chairman ng komiteng nagsisiyasat sa kontrobersyal na PDEA leaks.
Kamakailan lang, kinastigo ng Kamara si dela Rosa matapos manindigan itulong ang Senate inquiry sa pasabog ni Morales na naglabas ng mga dokumentong ebidensya di umano na minsang tinarget ng PDEA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa isyu ng droga.
Para sa mga kongresista ng Kamara, hindi angkop magsayang ng pera ang Senado sa isang paratang na walang ebidensya mula sa isang taong wala rin anilang kredibilidad.
Tugon naman ni dela Rosa – “Wala namang problema kaya nga tayo nag-hearing para pakinggan ang lahat ng side na merong relevant sa issue na ito, pakinggan natin lahat ng side, di porke pinakinggan natin pinaniwalaan natin ang sinasabi niya, may portion naniniwala tayo, may portion di tayo solve sa kanyang sinasabi, pakinggan natin lahat.”
Garantiya ng senador, lahat ng panig pakikinggan ng Committee on Public Order and Illegal Drugs.
“Wala tayong sinu-suppress na katotohanan, lahat pop pinapasalita ko na sa atin yan ia-assess natin ang testimonya kung kapani paniwala o hindi. Otherwise kung gusto nila chairman lang ang magsasalita audience lang resource person, di ako un, ibang senador un, ako po pinapakinggan ko lahat ng resource person,” dugtong ni dela Rosa.
Batay sa datos ng Civil Service Commission (CSC), dalawang ulit nang sinibak sa serbisyo si Morales bunsod ng kabi-kabilang bulilyaso sa trabaho – una sa Philippine National Police (PNP), at ang huli sa PDEA hinggil naman sa false testimony sa korte at tanim-droga.