PALAISIPAN sa pamilya ng isang 24-anyos na sundalong nawawala mula pa noong nakaraang linggo matapos ihatid ang nobya sa Makati City.
Ayon sa pamilya, wala pa rin balita sa kinaroroonan ni Al-Russia Armando na huling nakita sa kanilang tahanan sa Barangay Calangay sa bayan ng Sta. Maria sa lalawigan ng Laguna bandang tanghali ng Mayo 7 ng kasalukuyang taon.
Kwento ni Ginang Rosalinda Armando, ina ng sundalong miyembro ng Philippine Army, dakong ala una ng tanghali nang magpaalam ang anak na ihahatid lang ang kasintahang si Lean Garcia sa tinutuluyang dormitoryo sa Makati City.
Sa salaysay naman ng kasintahan ng sundalo, hindi nagtagal sa Makati City ang nobyong agad din umalis bandang alas 11:00 ng gabi para bumiyahe patungo sa Fort Magsaysay sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Katunayan aniya, nagtext pa ang sundalo dakong alas 5:00 ng madaling araw para sabihin sa nobya na malapit na siya sa kampo.
Yun na di umano ang huling mensahe ng binata sa kanya.
