PARA sa probinsya ng Camiguin na tahanan ng humigit kumulang 100,000 populasyon, hindi mahirap para sa pamahalaan tugunan ang mga pangangailangan ng mga tao lalo pa’t ang lalawigan ay mayaman sa likas na yaman, nakabibighaning pasyalan at malawak na espasyong pwedeng pagtaniman o gamitin sa paghahayupan.
Gayunpaman, palaisipan kung bakit tila hindi umuusad ang kanilang kabuhayan.
Kung pagbabatayan ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 1.2% lang ang ambag ng Camiguin sa ekonomiya ng Region 10 (Northern Mindanao) – lubhang kakarampot para sa probinsyang sagana sa lahat.
Ano nga kaya ang dahilan? Para mas maliwanag, ating himayin ang datos ng PSA kung saan lumalabas na pumalo lang sa P 9,867 ang taunang ambag sa ekonomiya ng bawat pamilya sa naturang probinsya.
Hindi ako dalubhasa sa matematika pero sa simpleng pagtutuos, hindi pa umabot sa P1 milyon ang umiikot na pera sa Camiguin sa loob ng isang buwan.
Dangan naman kasi, pinakamababa ang antas ng sahod sa Camiguin. Sa kitang P338 kada araw, halos hindi sapat sa pangangailangan ng isang pamilyang may limang miyembro – ang padre de pamilya, ang ina ng tahanan at tatlong supling.
Saan makakarating ang P338 na kita kada araw? Hindi tulad ng Metro Manila, di hamak na mas mura ang bilihin sa kanayunan tulad ng Camiguin. Gayunpaman, subukan natin pagkasyahin ang P338 na kita kada araw ng isang padre de pamilya.
Kung sa kabisera P60 kada kilo ang bentahan ng bigas, ipagpalagay natin na P50 lang ang presyo kada kilo ng bigas sa naturang lalawigan. Isang kilo kada saing, dalawang saing kada araw sa halagang P100.
Sa P338 na arawang kita, may naiwan pang P238 sa pamilya. Ngayon, ulam naman ang ating pag-usapan – P100 para sa maghapong ulam.
Walang gastos sa pamasahe dahil marahil sanay naman maglakad ang mga taga-probinsya pero nag-aaral sa pampublikong paaralan ang mga tsikiting kaya bawas tayo ulit ng P60 para sa baon nilang tatlo kaya ang P138 na sukli, P78 na lang.
Kailangan din paglaanan ang budget para may pambayad sa buwanang konsumo ng kuryente, tubig, sabong panlaba, panggatong, posporo at iba pa.
Paano na lang kung isa sa mga miyembro ng pamilya ang magkasakit? Baka maski pambili ng paracetamol wala nang paghugutan!
Ang tanong – sapat ba ang P338 arawang kita ng isang padre de pamilya kung sa Camiguin nagtataguyod ng pamilya?
Ang masaklap, pinatawan pa ng mataas na singil sa buwanang konsumo ng tubig ang mga taga-Camiguin.

Batay sa datos ng Philippine Institute for Development Studies, 1.36275 cubic meters ang konsumo sa tubig kada araw ng isang indibidwal. Kung lima ang miyembro ng pamilya, lumalabas na 6.81375 cubic meters ang konsumo nila – at sa loob ng isang buwan posibleng umabot sa humigit kumulang 204 cubic meters.
Teka magkano naman ang singil ng water concessionaire sa naturang probinsya?
Batay sa anunsyo ng Camiguin Water, P17.55 ang singil sa bawat cubic meter na konsumo. Kaya naman kung susumahin, papalo sa P3,580.20 ang buwanang water bill ng isang ordinaryong pamilya sa Camiguin.
But wait, there’s more. Higit pa sa P3,580.20 ang singil ng Camiguin Water kapag lampas sa minimum level ang buwanang konsumo.
Susmaryosep… mas malaki pa sa minimum wage na umiiral sa naturang lalawigan!
