Ni ESTONG REYES
SA hangaring puksain ang patuloy na panloloko ng mga sindikato sa likod ng text scams at iba pang modus gamit ang telepono, target ng Senado lakipan ng ngipin ang Republic Act 11934 na mas kilala sa tawag na SIM Registration Act.
“Marapat lang sa gobyerno na protektahan ang ating mga kababayan mula sa anumang pinsalang dulot ng mga mapanlinlang na aktibidad ng mga cybercriminal, kabilang na ang mga operasyon ng POGO na nagsisilbing mga scam hub upang gumawa ng mga krimen,” ayon kay Senador Win Gatchalian.
Kung siya aniya ang tatanungin, marami pa rin ang illegal offshore gaming operations sa bansa – sa kabila ng POGO ban na inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong nakalipas na Hulyo.
Para kay Gatchalian, kailangan matukoy ng gobyerno ang mga indibidwal o organisasyong nagbebenta, nagpapahiram o supplier ng mga rehistradong SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO.
Kabilang sa posibleng amendment ay ang limitasyon sa bilang ng SIM na maaaring irehistro sa kada user, at pagreregulate ng Short Message Service (SMS) marketing, promotional, political o fundraising na pinapadala sa pamamagitan ng mga SIM.
Layon ng RA11934 na nilagdaan noong Oktubre 2022, hadlangan ang paggamit ng SIM-related technology sa iba’t ibang ilegal o scamming activities.
Gayunpaman, nagpatuloy ang panloloko (gamit ang mga registered SIM) sa mga scam farms na kabilang sa mga ilegal na aktibidad ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hubs na pasok sa iba’t ibang anyo ng online scam – kabilang ang love scam, financial fraud at iba pa.
Nauna nang inihain ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means ang Senate Resolution 1054 na naglalayong imbestigahan ang paggamit ng SIM sa mga ilegal na operasyon ng POGO.
Binanggit ng senador ang pagsalakay sa illegal POGO hubs sa Bamban, Tarlac; at Porac, Pampanga, kung saan kabilang sa mga nakarekober ang santambak na SIM, cellular phones at digital device, na ginamit para magsagawa ng mga mapanlinlang na transaksyon.
