Ni ESTONG REYES
MULING kinalampag ng isang mambabatas na palakasin at patibayin pa ang support mechanism ng gobyerno sa overseas Filipino workers (OFWs) laban sa pang-aabuso at pagmamalupit ng dayuhan sa “vulnerable countries.”
Sa isang pahayag, binigyang diin ni Senador Alan Peter Cayetano, dating foreign affairs secretary, na kailangan pagbutihin ang mekanismo at sistema ng suporta sa kapakanan ng mga tinaguriang bayani ng makabagong panahon.
Sa pagtalakay ng Senate committee on migrant workers, kabilang sa mga kasong tinutukoy ni Cayetano ang malagim na pagkamatay ni Jelyn del Coro Aguson, isang OFW sa Saudi Arabia.
Para kay Cayetano, napapanahon nang itaas ang antas ng giyera kontra illegal recruitment at iba pang anyo ng panloloko sa mga Pilipinong nagtutungo sa ibang bansa para magtrabaho.
Bilang dating kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), palaging idinidiin ni Cayetano ang pangangailangan ng matibay na hakbang laban sa mekanismong kadalasang nauuwi sa pagsasamantala sa OFW.
“When people get desperate or are into an economic crisis, there would be many recruiters or employers duping those vulnerable, or in countries that have troublesome histories with the rights of migrant workers, we see them getting abused,” ayon sa senador.
Sa nakaraang pagdinig ng naturang komite, nanawagan din si Cayetano para sa pinabuting proseso ng pagkuha, pagtatrabaho, at deployment upang matugunan ang illegal scheme.
Noong nakaraang linggo, binigyang-diin din ng senador na laganap na sa buong mundo ang scam kaya’t dapat “mag-isip ang gobyerno katulad ng scammer at manatiling one step ahead upang unahan sila.”
Isinagawa ang pagdinig alinsunod sa rekomendasyon ng mambabatas na maghain ng panukala upang para palakasin ang monitoring, komunikasyon, at mekanismo ng tulong ng gobyerno sa hangarin bilang sukli sa ambag ng sektor ng ng OFW – partikular sa Middle East.
Sinabi ni Cayetano, na siyang pangunahing may-akda sa paglikha ng Department of Migrant Workers (DMW), dapat isakatuparan ang pangako ng gobyerno – suporta at proteksyon sa mga OFWs.
Aniya, dapat tiyakin ng pamahalaan na ang mga kontribusyon ng mga “modern day heroes” ng bansa ay sinusuklian ng paggalang at pangangalaga na nararapat sa kanila.
“They sacrifice so much to provide for their families and contribute to our national economy. We owe it to them to ensure that they are protected and well cared for,” pagtatapos ni Cayetano.
