![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/07/HPV-vax.webp)
ALINSUNOD sa prayoridad ng administrasyong Marcos Jr., nanawagan ang isang bagitong kongresista sa Department of Health (DOH) na isama sa talaan ng mga prayoridad ang pagbili ng bakuna kontra human papilloma virus (HPV) vaccines upang matugunan ang dumadaming bilang ng mga kababaihang tinatamaan ng cervical cancer.
Bukod sa bakuna, hinikayat rin ni Anakalusugan Rep. Ray T. Reyes ang DOH na gawing puspusan ang pagsusuri sa hanay ng mga kababaihan para maiwasan ang nakamamatay na sakit. .
“We need to include HPV vaccines in our list of priorities as we continue to expand our Universal Health Care coverage. Vaccines combined with regular screening, are considered the most effective way for women to help prevent cervical cancer,” ani Reyes.
Ayon mismo sa DOH, pangalawa ang cervical cancer sa mga karamdaman sa hanay ng mga kababaihan. Katunayan pa aniya, may 7,277 bagong kaso ng cervical cancer ang naitala ng kagawaran, habang nasa 3,807 naman ang pumapanaw kada taon.
“The numbers are very concerning. We recognize the initiatives rolled out by the government in promoting HPV vaccines but much more needs to be done to make these vaccines more accessible to Filipino girls,” aniya pa.
Taong 2014 nang mapabilang sa national immunization program ng pamahalaan ang HPV vaccination.
Lubos na nagtataka rin ang kongresista sa tila matamlay na bakunahan kontra HPV sa bansa. Katunayan pa aniya, 52 lang sa 81 lalawigan, 64 sa 143 lungsod at isa sa kabuuang 1,498 munisipalidad ang mayroong bakunahan kontra HPV.
Wala rin di umano sa 30% ng mga kababaihang edad 9-anyos ang naturukan na ng HPV vaccine.
“For diseases like cervical cancer, primary prevention and early detection are critical. We need to continue to promote primary prevention through HPV vaccination and accelerate HPV vaccine access coverage especially in the provinces.”