KUNG pagbabatayan ang mainit na pagtanggap ng sambayanan sa Kadiwa ng Pangulo, hindi dapat palampasin ng Kongreso ang pagkakataong gawing permanente ang programang nagsusulong ng interes ng mga konsyumer at hanay ng mga magsasaka at mangingisda.
Panawagan ni Agri partylist Rep. Wilbert Lee sa Kamara, isabatas ang House Bill 3957 (Kadiwa Agri-Food Terminal Act) na nagtataguyod sa kabuhayang pang-agrikultura (agribusiness).
“Patunay ito na napakalaki ng potensyal ng programang ito, at marami pang pwedeng makinabang kung palalawakin natin ang Kadiwa,” ayon kay Lee.
Sa ilalim ng isinusulong na panukalang batas, target wakasan ni Lee ang pamamayagpag ng mga sindikato – kabilang ang mga tinaguriang middlemen na nambabarat sa mga magbubukid at mangingisda, gayundin ang hoarders na lumilikha ng ‘artificial shortage’ sa mga pangunahing bilihin sa merkado.
Aniya, hindi hamak na malaki ang kikitain ng mga magsasaka at mangingisda kung ang kanilang ani sa taniman at huli sa karagatan at direktang maibebenta sa mga konsyumer.
Batay sa datos ng kongresista, nasa 41,357 magsasaka na ang nakinabang sa programang Kadiwa. Pumalo na rin aniya sa P7.241 bilyon ang kinita ng mga magsasaka mula sa mga produktong naibenta sa tinatayang 4 milyong pamilya.
“Panalo ang mga magsasaka dito kasi pwede silang kumita nang maayos dahil wala nang middleman. Panalo din ang konsyumer kasi nabibili nila nang mas mura ang mga agri and fisheries products. Sa Kadiwa program, malinaw na Winner Tayo Lahat.”
Agosto pa ng nakalipas na taon nang inihain ni Le ang HB 3957 sa hangaring himukin ang pamahalaan na palawigin pa ang abot ng programa ng Pangulo.
“Once rolled out in every city and municipality, these agri-food terminals and centers can serve as a location where local farmers and fisherfolk can sell their goods directly to the consumers and the general market,” paliwanag ng mambabatas, kasabay ng giit na dapat mas mababa ng 10 hanggang 20 porsyento ang presyo ng mga bilihin lalo pa’t mawawala na sa eskena ang mga tinatawag na ‘biyahero.’
Batay sa panukala ni Lee, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magtayo ng Kadiwa Agri-Food Terminal sa kanilang nasasakupan – pwedeng Kadiwa Retail (Direct Selling) kung saan maaaring bilhin ng mga konsyumer sa mas mababang halaga ang ibabagsak na ani ng mga magsasaka at huli ng mga mangingisda.
Isa rin aniyang mainam na konsepto ang Kadiwa on Wheels na maglilibot sa iba’t ibang sulok ng lokalidad, o yaong Kadiwa sa Pamahalaan kung saan naman magtataguyod ng pook kalakalan sa isang takdang lugar na pag-aari ng pamahalaan.