Ni JAM NAVALES
KASABAY sa paggunita ng World Tuberculosis Day, isinulong ni House Committee on Health Vice-Chairperson at AnaKalusugan Partylist Rep. Ray Reyes ang mungkahing higit pang mapalakas ang kampanya o programa ng pamahalaan para labanan ang tumataas umanong kaso ng tuberculosis (TB) sa bansa.
Sa inihaing House Bill 9799, target ni Reyes amyendahan ang Republic Act 10767 (Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act), kasabay ng giit na ang nagdaang global pandemic ay nagbigay din ng paalala na ang karamihan sa sinusunod na healthcare policies ay dapat rebyuhin at ihanda sa hinaharap na panahon.
Aniya, ang TB ay itinuturing bilang public health emergency sa nakalipas na tatlong dekada subalit nakalulungkot na wala pang katiyakan o indikasyon ng pagwawakas sa lalong madaling panahon.
Kaya naman sa ilalim ng naturang panukala, nais ni Reyes na magkaroon ng ibayong pagbabago at pagpapabuti sa pagkakaloob ng serbisyong medikal laban sa TB, na iginiit niyang dapat ay “continuous and can withstand external threats.”
Ayon sa AnaKalusugan partylist solon, mayroon lamang walong bansa sa buong mundo na siyang pinagmumulan ng 2/3 ng global cases ng TB kung saan 7 percent nito ay mula sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Reyes, nakalulungkot din na ang TB ay nananatiling isa sa pangunahing dahilan ng kamatayan sa bansa, na mayroong average na 70 deaths kada araw.
“These numbers prove that there is a need to revisit the existing legislation regarding the Philippines’ response to TB,” wika ni Reyes.
Samantala, nagpahayag naman si Reyes ng pagsuporta sa plano ng Department of Health (DOH) na magpadala ng ultra-portable X-ray technology sa mga liblib na lugar sa bansa, bagama’t para sa kanya ay hindi pa rin umano sapat at marami pa ang dapat gawin kontra sa TB.
“There is a need to beef up education-driven campaigns and TB notification and monitoring,” giit niya.
“Stigma surrounding the disease, availability of funds and medication, as well as places where treatment and medicine are easily procured must be addressed,” dagdag pa ng kongresista.
Nakapaloob din sa iniakda ni Reyes na HB 9799 ang paghimok sa mga pribadong kumpanya na maging bahagi ng kanilang corporate social responsibility ang paglaban sa TB.
“Tuberculosis is an issue that involves different sectors and we cannot emphasize enough the importance of a holistic approach and collaboration in the fight against TB.”
Aniya pa, dahil sa pagpupursige ng Kamara, partikular sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez, itinaas ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Konsulta package nito sa P1,700 per patient per year, kung saan saklaw ang bayarin para sa annual checkups, ilang diagnostics services at gamot.
