HINDI na pinahintulutan ng Sandiganbayan ang abogado ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon kaugnay ng dalawang kaso ng katiwalian nakasampa sa husgado.
Partikular na tinukoy ng Sandiganbayan Fifth Division si Atty. Jelina Maree Magsuci matapos mabistong isa na pala siyang konsehal sa Calapan City sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Sa 11-pahinang desisyon ng Sandiganbayan, ipinaliwanag ng mga mahistrado na hindi pinapayagan sa ilalim ng Local Government Code na tumayong abogado sa anumang kaso sa husgado si Magsuci matapos maluklok bilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod.
Sa naturang resolusyon, pinaubaya na rin ng Sandiganbayan sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang paglalapat ng parusa laban sa lokal na opisyal.
“It is up to the proper authorities to take any action it may deem appropriate,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng Sandiganbayan.
Nahaharap sa dalawang kasong graft si Faeldon kaugnay ng di umano’y rice smuggling sa Port of Cagayan de Oro taong 2017 – panahong nakaupo pa si Faeldon bilang komisyunado ng Bureau of Customs (BOC).
Bukod kay Faeldon, pasok din sa mga kaso ng katiwalian si Customs district collector Tomas Alcid at mga corporate officials Cebu Lite Trading Inc. na dalawang ulit na nagpasok di umano sa bansa ng hindi bababa sa P34 milyong halaga ng Vietnamese rice.
