Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAPOS ilagay sa red alert status ng suplay ng kuryente bunsod ng pagpalya ng 19 power plants, nanawagan ang isang militanteng kongresista na ikonsidera ng Kongreso ang panukalang batas na nagsusulong sustainable energy source.
Sa isang pahayag, iginiit ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro na napapanahon na aksyunan at agarang aprubahan ang nakabinbin niyang House Bill 10253 (Million Solar Roofs Act).
Ayon kay Castro, ngayong ramdam ang sobrang init, higit na kailangan magkaroon ng matatag na power supply hindi lamang sa iba’t-ibang establisyemento at negosyo kundi maging sa tahanan ng mga ordinaryong mamamayan.
Sa sabayang shutdown ng iba’t-ibang planta ng kuryente, hindi maalis ang dudang planado ang pagpalya para bigyang-katwiran ang planong dagdag-singil sa power rate na buwanang sinisingil sa mga konsyumer.
Kaya naman apela ni Castro, agaran at pangmatagalang solusyon sa bisa ng panukalang batas na naglalayong isulong ang pagkakaroon ng solar energy generation sa mga kabahayan, eskwelahan at mga kompanya.
“Isa ito sa mga rason kung bakit ifinile namin ang Million Solar Roofs Act para makatipid sa kuryente ang mga consumer pati na ang mga eskwelahan at mga negosyo. Kung may power storage din ay magagamit nila ang kuryente maski gabi o umuulan. Panlaban din ito sa brown out,” ani Castro.
“Sana ay agad na dinggin ng Kamara ang bill na ito para di tayo tuluyang nakasalalay sa mga generation companies na ang laging habol ay kumita. Dapat nga ay singilin sila o pagbayarin ng malaking multa sa halip na ang mga consumer ang pinagbabayad ng kapalpakan nila.”
Base saq datos ng Kamara, unang inihain ang panukalang Million Solar Roofs Act ng Bayan Muna partylist group 12 taon na ang nakalipas.
