Ni ESTONG REYES
SAAN nga ba napunta ang bilyon-bilyong pondong nakalaan para sa flood control projects ng dalawang ahensya ng gobyerno – ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa kanyang Facebook post, hayagang binaterya ni Senate President Francis Escudero ang DPWH at MMDA sa pagbaha sa buong Metro Manila at karatig-bayan bunsod ng ipinamalas na bagsik ng bagyong Carina.
Patutsada ni Escudero, tila hindi ginamit sa flood control ang nasa P1.4 kada araw na inilaan ng Kongreso para sa flood control program ng gobyerno.
“Ganito na lang ba tayo palagi?” ngitngit ng senador.
Kamakailan lang, ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang 5,500 flood control projects na natapos ng pamahalaan – bukod pa sa iba pang proyektong aniya’y patuloy na isinasaayos.
“Tanggapin na lang ba natin na kapag malakas ang ulan, magbabaha at paralisado ang normal na buhay natin?,” ayon kay Escudero.
Ayon sa lider ng senado, taun-taon naglalaan ang Kongreso ng daang bilyong halaga ng pondo upang ayusin ang drainage system hindi lamang sa Metro Manila kundi sa karatig-lalawigan tulad ng Bulacan at Rizal.
Subalit nito lamang nakalipas na Miyerkules, halos lumampas sa kabayan ang lalim ng baha sa mga lugar na matagal nang binabaha .
“What happened to “building back better.? Dapat, sa panahong ito, di na pwede ang pwede na at di na pwede ang dating gawi,” ayon kay Escudero.
Kamakailan, sinisisi rin ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri at Senador Joel Villanueva sa reclamation sa Manila Bay kaya hindi malutas-lutas ang problema sa pagbaha.
Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council na umabot sa 21 katao ang namatay at mahigit 1 milyong residente sa iba’t-ibang lugar ang lubhang naapektuhan ng baha. Dalawa naman ang sugatan at 2 din ang nawawala.
Umabot din sa 1,453 magsasaka ang naapektuhan ng bagyong Carina, na may 1.3 milyong ektarya ng taniman ang nasalanta, at 351, 590 ektarya dito ang hindi na mababawi pa.
Tinatayang aabot sa P10 milyon ang halaga ng apektadong taniman, pinakalamaki sa northern Mindanao na nakapagtala ng P6.6 milyon damages, ayon sa ulat ng pamahalaan.
