
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MAY kondisyon ang pagpapalaya kay Atty. Zuleika Lopez na tumatayong chief of staff ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Manila Rep. Joel Chua na tumatayong chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Pagsisiwalat ni Chua, nangako si Lopez na hindi na babalewalain ang mga susunod na paanyaya ng komiteng inatasan magsagawa ng pagdinig hinggil sa kontrobersyal na confidential funds na inlaan ng kongreso sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dating hawak ng pangalawang pangulo.
Sabado ng hapon nang ilabas ng komite ang release order kay Lopez, sa utos ni Chua at susog nina House Secretary General Reginald Velasco at House Sergeant-at-Arms Napoleon Taas.
Kumpiyansa naman si Chua na tutupad sa pangako ang punong katiwala ng pangalawang pangulo.
“In view of the undertaking to attend all hearings, you are hereby ordered to immediately release Atty. Zuleika T. Lopez after a medical examination has been conducted on her,” saad pa sa release order.
Matatandaan na si Lopez ay na-contempt noong Nobyembre 20 dahil sa di umano’y “undue interference” sa legislative process at pag-iwas sagutin ang mga katanungan ng mga kongresistang bahagi ng pagdinig.
Partikular na kinastigo ng House panel ang naging liham ni Lopez sa Commission on Audit (COA), na humihimok sa ahensya na balewalain ang congressional subpoena para sa audit reports ng confidential expenses ng OVP para sa taong 2022 at 2023.
Unang pinatawan si Lopez ng five days detention sa Batasan complex subalit pinalawig ng 10 araw bunsod ng pagmamatigas sa paglipat sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City noong Nobyembre 22.
Pinapasok si Duterte sa Batasan Complex noong gabi ng Nobyembre 21 para dalawin si Lopez kahit tapos na ang visiting hours at nang pinakiusapan umalis na ay pinagpilitan mamalagi na lang siya opisina ng kapatid niyang si Davao City Rep. Paolo Duterte.
Subalit, nanatili ang bise-presidente sa detention room ng kanyang chief of staff at nagpakilalang abogado ng detenido – dahilan para magpatawag ng urgent meeting ang House blue ribbon na nagpasyang ilipat si Lopez sa nasabing CIW.
Kasunod nito, dumaing si Lopez na masama ang kayang pakiramdam, hudyat para isugod ang abogada sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City. Gayunpaman, inilipat ni Duterte si Lopez sa St. Luke’s Medical Center nang walang pahintulot ng House panel.
Dito na aniya inatasan ng komite ni Chua ang Philippine National Police (PNP) na muling ibalik si Lopez sa VMMC, na tinangka ring umanong kontrahin ng bise-presidente.