NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MARIING kinondena ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang China sa aniya’y patuloy na pagpapakita ng kawalang-respeto sa teritoryo ng bansa sa ginawang pagpasok ng tatlong research vessels sa karagatang sakop ng Siargao Island at Davao Oriental.
Bunsod nito, muling binuhay ni Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang kahilingan magkaroon ng naval facility sa kanilang lalawigan sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
“Ito (Chinese vessel intrusion in the Eastern Seaboard) ang isa sa mga dahilan kung bakit hinihiling ko sa ating gobyerno, partikular na sa Defense department, na maglagay ng EDCA naval site sa aming probinsya,” wika ni Barbers.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) magkakasamang pumasok ang tatlong Chinese research vessels sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone para mangalap ng datos sa seabed, alon, lalim at iba pang mahahalagang impormasyon.
“Last Saturday at about 7:40am, the PCG and the National Task Force for the West Philippine Sea monitored the three Chinese ships – Xiang Yang Hong 3, Jia Geng and Xiang Yang Hong 10 – at about 211 nautical miles (nm) east of Siargao Island in Surigao del Norte,” paglalahad pa ng ranking House official.
“The three Chinese vessels entered the country’s EEZ on Nov. 20 near Siargao Island and Davao Oriental on Nov. 14. Three days earlier or on November 17, they were spotted 257 nautical miles near Sta. Ana, Cagayan,” dugtong niya.
“Ang China government, sa pamamagitan ng kanilang mga barko, sa palagay ko, ay may malalim na dahilan kung bakit sabay-sabay na nanghihimasok sa isang partikular na area, tulad ng ginagawa nila sa aming probinsya. At sila ay walang clearance sa ating pamahalaan na pumasok sa ating EEZ,” diin ni Barbers.
Kumbinsido si Barbers na magdadalawang-isip ang China na pumasok sa territorial waters sa naturang bahagi ng bansa kung may EDCA site sa Surigao. Mababantayan at mapipigilan din aniya ang anumang banta ng sinumang dayuhan magtatangkang lapastanganin ang karapatan ng Pilipinas.
“Surigao del Norte sits directly in the country’s eastern waters and the Pacific Ocean, facing continuing threats from drug smugglers, spy vessels and other foreign intruders,” giit ng mambabatas.
“The province’s distinct advantage to have an EDCA naval site is that it is openly facing the Pacific Ocean and has an outlet to the West Philippine Sea, and ships can traverse the country from east to west and vice-versa without the need to circle around,” paliwanag niya.
