KUMBINSIDO ang pamahalaan na posible ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan – kung magtuloy-tuloy ang anila’y direksyong tinatahak ng pandaigdigang merkado.
Sa ginanap na Bagong Pilipinas briefing, tiniyak ni Assistant Secretary Ardel De Mesa na tumatayong tagapagsalita ng Department of Agriculture (DA) na mahigpit na binabantayan ng kagawaran ang bentahan ng bigas sa international market na karaniwang basehan ng mga rice traders sa itatakdang halaga ng bentahan.
Garantiya ni De Mesa, agad na gagawa ng naaayon adjustment sa mga lokal na pamilihan ang departamento sa sandaling bumagsak pa lalo ang presyo ng bigas sa world market.
“Posible yan dahil nakikita natin na patuloy namang bababa iyong trend ng presyo para sa international market,” ani De Mesa.
Bagamat walang katiyakan ang galaw sa pandaigdigang merkado, siniguro naman ni De Mesa na patuloy bentahan ng P29 per kilong bigas sa mga Kadiwa outlets. Gayundin aniya ang rice-for-all program tampok ang P45 kada kilo ng well-milled rice.
Pagtitiyak ni De Mesa, maganda ang kalidad ng bigas na binebenta sa P49 per kilo bagamat limitado aniya hanggang sa 25 kilo lang ang pwedeng bilhin ng bawat mamimili.
Ipinagmamalaki rin ng opisyal na pasado sa pagsusuri ng Bureau of Plant Industry ang binebentang rice-for-all na hindi hamak na abot-kaya kumpara sa commercial rice sa mga palengke at supermarket.
“Iyong P45 magandang klase ito, sa ginawang pagsusuri, chineck ang microbial contaminants o pesticide residue at nakita nila na pmasa ito sa test ng BPI,” aniya pa.
