HINDI limitado sa mga pobreng Pinoy ang ayuda, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang pulong-balitaan kamakailan, partikular na tinukoy ni DSWD Crisis Intervention Unit (CIU) Director Edwin orate ang programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), na aniya’y pwede rin sa mga mayaman.
“For AICS, wala kaming tinitignan… it can be low or high income, it can be rich or poor, it can be professional or not, may trabaho o wala,” saad ni DSWD Crisis Intervention Unit (CIU) Director Edwin Morata sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Iginiit niya na nais nilang ituwid ang naging maling impresyon na ang AICS ay para lang sa mahihirap at dahil dito ay nagiging tamad at palaasa na lang sa ayuda ang mga benepisyaryo.
Aniya, ang AICS ay isang “catch-all, all inclusive, stop-gap measure” para sa mga dumaranas ng krisis.
“Ang AICS ay isa sa mga frontline services ng departamento. Isa po itong stop gap measure, hindi po ito yung programang magtatawid from kahirapan. Ang tina-target dito sa AICS ay iyong crisis situation,” wika ni Morata..
“Naniniwala po kasi kami sa siyentipikong pagtingin ng social worker na ang isang tao ay maaaring may kakayahang tumugon sa kanyang pangangailangan, but there is a situation that shocked them and their capacity to provide for their situation kaya dito pumapasok ang AICS,” aniya pa.
Ang mga tinutulungan aniya ng AICS ay ang mga nawalan ng trabaho, nagkasakit, namatayan, financially incapacitated; internally displaced persons, refugees, asylum seekers, at mga nagkakaproblemang pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs).
Hindi rin umano pinansyal na tulong lang ang ibinibigay ng programa kundi mayroon din itong psychological first aid, counseling at referral, pati ayudang medikal, guarantee letter sa ospital, assistive devices (tulad ng saklay at wheelchair), mga gamot, burial, edukasyon, transportation assistance, family food packs (FFPs), at maraming iba pa.
Binigyang-diin pa ni Morata na hindi kailangan ng referral letter ng pulitiko o ninuman para maka-avail ng AICS at sa halip ay kailangan lang na direktang mag-apply sa pinakamalapit na tanggapan ng DSWD. (REGGIE VIZMANOS)
