ANG pagkukubli na perang nakadeposito sa bangko ay isang indikasyon na hindi pwedeng pagkatiwalaan ng sambayanan ang pangalawang pangulo.
Ito ang buod ng mensahe ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, kasabay ng panawagan sa publiko na mag-ingat at huwag magpaloko sa opisyal ng gobyerno na hindi marunong magsabi ng totoo.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Ortega ang milyong pisong idineklara ni Vice President Sara Duterte sa isinumiteng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) gayung bilyon-bilyon pala ang naglabas pasok sa kanyang bank accounts.
“Huwag paloko ang publiko—magkaiba ang milyon sa bilyon. Hind ito simpleng inconsistency. Kung ang isang opisyal ay nagdedeklara ng milyon, pero ang galaw ng pera ay umabot sa bilyon, posibleng indikasyon ng unexplained wealth lalo’t hindi sila nagpapaliwanag,” wika ni Ortega.
“Kung pagbabasehan ang AMLC records, malinaw na bilyonarya pala si VP Sara. Hindi ito tugma sa SALN na milyon lang ang idineklara. May malaking agwat na kailangan ipaliwanag,” dagdag niya.
“Malinaw ang ipinapakita ng AMLC records—bilyon-bilyon ang pumasok at umikot sa mga account na may kaugnayan sa bise presidente. Hindi ito tugma sa kanyang mga idineklarang yaman sa SALN,” sambit din ng La Union lawmaker.
Sa pagharap ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura sa impeachment hearing ng House Committee on Justice kamakailan, nabunyag ang 663 bank transactions. Sa naturang bilang, 630 ang pasok sa kategorya ng “covered” habang 33 naman ang “suspicious.”
Sa kabuuan, pumalo sa P6.77 billion ang pumasok at lumabas sa mga bank account ng mag-asawa Sara at Mans Carpio.
Ani Buenaventura, sa bank accounts ni Duterte ay may 313 covered transactions at 17 suspicious na may kabuuang halaga na P3.77 billion kung saan ang P1.83 billion pumasok at P1.21 billion ang inilabas.
Sa datos ng Ombudsman, nabisto rin na noong 2007, base sa SALN, si VP Sara ay may net worth na P7.25 million. Mula 2012 ay naging P22.11, P34.89 million noong P34.89 million, P49.69 million noong 2018, P55.61 noong 2019 at lumobo pa sa P88.51 million noong 2024.
Giit ni Ortega, hindi pwedeng isantabi lang ang malaking pagkakaiba sa multi-billion-peso transactions sa declared net worth na mababa pa sa P100 million ni Duterte.
“Ang SALN ay hindi simpleng dokumento lamang. Ito ay obligasyon sa taumbayan. Kapag may malaking agwat sa idineklara at sa aktwal na galaw ng pera, malinaw na may kailangan ipaliwanag—at kung hindi maipaliwanag, may pananagutan,” sabi pa ng ranking House official.
Binigyan-diin ni Ortega na ang kasalukuyang isyu na kinakaharap ng bise-presidente ay hindi usapin ng politika, bagkus ito ay usapin ng katotohanan at pananagutan.
“The Filipino people deserve clear answers—saan nanggaling ang perang ito at bakit hindi ito ipinakita nang tama sa SALN? Ang ebidensya ang magsasalita at sa puntong ito, ang mga dokumentong lumalabas ay nagbibigay ng malinaw na dahilan para ipagpatuloy ang proseso at papanagutin ang dapat managot.”
