“ANG katotohanan hindi nilalagay sa Others.” Ito ang mariing tugon ni House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon sa paliwanag ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa palyadong Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Partikular na tinukoy ni Ridon ang giit ng mga abogado ng pangalawang pangulo — na nakapaloob umano sa kategorya ng “others” ang mga nawawalang impormasyon sa isinumiteng SALN ng bise-presidente.
“Ang katotohanan hindi nilalagay sa ‘others.’ Iyan ay sinasabi ng taumbayan. Kung magpapalusot, sana naman pag-isipan. Nakakainsulto kung gagawing bobo ang lahat ng Pilipino,” ani Ridon.
Giit ng Bicol Saro solon, ang alibi ng bise-presidente ay sapat na dahilan para isulong ang pananagutan sa bisa ng mas malalim na pagbusisi sa mga opisyal na dokumento tulad ng bank transactions at isinumiteng SALN ng akusado.
“Hindi ito isolated na usapin ng classification. May konteksto ito—may ₱6.77 billion na covered at suspicious transactions na nakalagay sa AMLC report. Lalong hindi pwedeng maging malabo ang deklarasyon kung ganito kalaki ang galaw ng pera,” ani Ridon.
“Hindi pwedeng itago ang malinaw na asset sa likod ng katagang ‘others.’ Hindi ito magic—obligasyon itong ideklara nang tama,” dugtong niya.
Diin ng House panel chair, “ang SALN ay isang sworn legal document. Kailangan malinaw, detalyado, at walang pagtatago. Ang cash in bank ay basic na asset—hindi ito pwedeng ilibing sa ‘others’ nang walang seryosong tanong.”
“Kung may bilyon-bilyong galaw ng pera, lalong kailangan malinaw ang deklarasyon. Hindi puwedeng may malaking transactions pero walang malinaw na reflection sa SALN,” saad pa niya.
Sa ginanap na clarificatory hearing ng House Committee on Justice, iniulat ng Office of the Ombudsman na sa 2019 hanggang 2024 SALN ng huli ay wala itong idineklarang cash on hand at bank deposits.
Ito ay sa kabila nang pagkakaroon ng net worth na P55,613,051.00 noong 2019; 2020 naman ay P56,583,735.1; P65.308 M noong 2021; noong 2022 ay P71,058 M; sa taong 2023 ay P77,508 M at ang sa taong 2024 naman ay P88,512 M.
Paliwanag ng kampo dito ni Duterte-Carpio, hindi totoong walang cash deposits o bank deposits sa 2019 hanggang 2024 SALN ng bise-presidente, dahil ito ay nailagay sa parte ng dokumento sa kategoryang “Others.”
“The issue is straightforward: if there were funds in the bank, why were they not properly and clearly declared? The Filipino people deserve more than technical excuses. They deserve the truth—clearly stated, fully disclosed, and without concealment,” aniya pa.
“At kung ang malinaw na asset ay itinatago sa malabong deklarasyon—lalo na sa konteksto ng bilyon-bilyong galaw ng pera—hindi na ito simpleng error sa SALN. Ito ay malinaw na usapin ng pananagutan na pumapasok sa betrayal of public trust.”
