SA kabila ng usap-usapan sa napipintong sibakan sa pwesto ngayong Enero, itinanggi ng Palasyo ang panibagong balasahan sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Atty. Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer, walang impormasyon na magkakaroon ng balasahan sa hanay ng presidential appointees.
“Wala tayong natatanggap na ano mang balita, baka may nagpapakalat pero as of now wala po,” wika ni Castro.
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na patuloy ang performance review sa mga opisyal ng ehekutibo — at tanging ang Pangulo lamang aniya ang pwedeng magpasya base sa resulta ng pagsusuri sa trabaho ng gabinete.
Una nang kumalat ang balita sa napipintong pagsibak sa walong presidential appointees dahil sa kapalpakan at kawalan ng ambag sa isinusulong na kaunlaran ng pamahalaan. (LOUIE LEGARDA)
