KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng panibagong kaso laban kay former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay ng maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Atty. Polo Martinez na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, naghain na ng plunder complaint — bukod pa sa pitong iba pang reklamo — ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa puganteng kongresista.
Paglilinaw ng DOJ spokesperson, hiwalay pa ang mga bagong reklamo sa limang unang kasong may kinalaman din sa maanomalyang flood control projects.
Nag-ugat aniya ang mga bagong reklamo sa mga flood control projects na “completed” sa rekord ng DPWH pero walang bakas ng proyekto base sa inspeksyon na isinagawa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa lalawigan ng Bulacan.
Kabilang din sa mga respondents ng magkahiwalay na reklamo sa DOJ sina dating Senador Bong Revilla at Senador Joel Villanueva na nahaharap sa kasong Direct Bribery, Corruption of Public Officials, at Malversation through Falsification ng paglabag sa Republic Act 9184 at 3019. (JULIET PACOT)
