PARA kay Palace Press Officer Claire Castro, lubhang mapangahas ang panawagan ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson para sa malawakang protestang nagsusulong sa pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang panayam sa radyo, nanindigan ang abogadang opisyal ng Palasyo na pasok sa kategorya ng “inciting to sedition” ang mga tinuran ng dating punong lalawigan.
Paliwanag ni Castro, malinaw na inuudyukan ni Singson ang mga mamamayan na pabagsakin ang administrasyong Marcos.
“Sa aking palagay as a lawyer, yes dahil ang pang-eengganyo sa tao para pabagsakin ang Pangulo, patalsikin ang Pangulo, inciting to sedition,” aniya.
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na nasa disposisyon ng Department of Justice (DOJ) ang paglulunsad ng motu proprio investigation sa naturang usapin.
“Hindi po ako ang magdedesisyon dito. Maaaring magdesisyon po dito ang DOJ dahil mayroon naman po silang authority to investigate motu proprio,” dugtong ni Castro.
