
SA hangaring palawakin ang saklaw sa hanay ng mga lokal na mambabatas na nais ipagpatuloy ang paglilingkod pagkatapos ng termino, naglabas ng bagong panuntunan ang Civil Service Commission para Sanggunian Members na target mag-apply sa career service positions sa pamahalaan.
Ayon kay CSC chairman Karlo Nograles, ganap nang naamyendahan ang resolusyon hinggil sa civil service eligibility sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at Konseho ng Lungsod o Bayan.
Sa ilalim ng bagong panuntunan, pinagtibay ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10156 (An Act Conferring Upon Members of the Sangguniang Bayan, Sangguniang Panlungsod, and Sangguniang Panlalawigan, the Appropriate Civil Service Eligibility under Certain Circumstances, and for Other Purposes).
Alinsunod sa RA 10156, ang Sanggunian Member Eligibility (SME) ay maaaring ipagkaloob sa mga sumusunod na Sanggunian Members, na nahalal pagkatapos ng bisa ng Local Government Code of 1991: Vice Mayor, bilang presiding officer para sa Sangguniang Bayan o Sangguniang Panlungsod; Bise Gobernador, bilang presiding officer para sa Sangguniang Panlalawigan; at regular na Sanggunian Members ng Sangguniang Bayan, Sangguniang Panlungsod at Sangguniang Panlalawigan.
Nabatid na ang SME ay hindi naaangkop sa mga sumusunod na Miyembro ng Sanggunian, na hindi nahalal sa kabuuan o ayon sa distritong pampulitika.
Ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles, layon ng isinagawang pag-amyenda na saklawin ang mas malawak na hanay ng mga Sanggunian Members na nais mag-apply para sa mga posisyon sa career service.
“By amending the eligibility requirement for Sanggunian Members, we hope to recognize the years they have committed to serving the public as frontliners in local government units. Their wealth of experience and expertise constitutes a valuable contribution to the 1.9 million-strong civil service workforce,” ani Nograles.
Ang unang antas na SME ay bukas para sa mga nagsilbi bilang Sanggunian Member sa loob ng ng anim (6) na taon at nakakumpleto ng hindi bababa sa pitumpu’t dalawang (72) unit ng baccalaureate o bachelor’s degree, habang ang pangalawang antas ng SME ay para sa mga opisyal na nagsilbi bilang Sanggunian Member ng siyam (9) na taon at nakatapos ng baccalaureate/bachelor’s degree.
Sa ilalim ng bagong resolusyon ng CSC, ang mga taon ng serbisyo na naisama na sa “service record” para sa pagkakaloob ng Sanggunian Member First Level Eligibility ay maaari na ngayong isama sa computation para sa aplikasyon ng Second Level Eligibility.
“However, the computation of aggregate years of service does not include years of service in other positions held in the Sanggunian in which the functions do not belong to that of a Sanggunian Member, as well as the years of service of the Sanggunian Member in the Sanggunian during the term in which their supposed election was recalled by appropriate authority,” saad ng CSC.
Sa ilalim ng bagong resolusyon, ang lahat ng mga aplikasyon para sa SME na dating tinanggihan ay maaaring muling iaplay ng sinumang interesadong aplikante kasunod ng mga pagbabago.
Nabatid na inalis din ang prescriptive period ng paghahain ng aplikasyon, na nagpapahintulot sa mga kwalipikadong aplikante na mag-apply anumang oras hanggat kayang tugunan ang mga kinakailangan dokumento.
Gayunpaman, ang pagkakaloob ng eligibility ay batay sa ilalim ng nasabing resolusyon ay magkakabisa lamang para sa mga aplikasyon na muling isinampa o kapag naging epektibo ang binagong IRR.
Maaaring tingnan ng mga interesadong aplikante ang kumpletong probisyon at impormasyon sa SME sa website ng CSC sa www.csc.gov.ph.
Ang CSC Resolution No. 2300882 ay inilathala sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon noong Disyembre 15, 2023 at Pebrero 10, 2023. Nagkabisa ito noong Pebrero 26, 2024.