HINDI na bago ang katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) pero sa ilalim ng pamumuno ni former Secretary Manuel Bonoan umabot sa sukdulan ang antas ng korapsyon sa naturang kagawaran.
Ang itinuturong dahilan — Department Order 195 na inilabas at nilagdaan ni Bonoan sa unang taon ng panunungkulan.
Ayon sa Independent Commission For Infrastructure (ICI), lumikha ng tinatawag na “policy flaws” ang direktibang naging daan para humina ang “oversight capability” ng ahensya. Ang resulta — garapalang katiwalian mula sa “taas” hanggang sa pinakamababang antas ng departamento.
Mungkahi ni dating Supreme Court Justice Andres B. Reyes Jr., na tumatayong chairman ng ICI, kay DPWH Secretary Vince Dizon, ibalik ang dating patakaran para masawata ang korapsyon sa mga proyekto.
Ayon kay Reyes, hindi magagawa ng mga district engineer at mga kasapakat sa distrito lutuin ang bidding at kumuha ng mga pipitsugin kontratista para sa mga malalaking proyekto ng gobyerno.
