Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“MODERATE your greed and try to be more reasonable!” Ito ang mahigpit na panawagan ni Speaker Martin Romualdez sa mga middleman at trader na pinaniniwalaang dahilan sa patuloy na pagtaas sa presyo ng basic commodities – kabilang ang bigas – sa kabila pa ng mababang farmgate price.
Babala ni Romualdez sa mga mapagsamantalang negosyanteng nasa pagitan ng food producer at end consumers – pananagutin sa batas bunsod ng sobrang katakawan.
“Sa mga nagpa-profiteer, sa mga trader, sa mga middlemen, na masyadong matakaw sa mga kita nila, basta bantay lang kayo,” mapangahas na pahayag ni Romualdez.
“Hindi maganda itong nangyayari na ‘yung mga magsasaka, mga mangingisda na mababa lang ang kanilang farm gate, pero dito naman sa pagbebenta sa mga consumer ay napakataas. Doon natin nakikita na masyadong nabobloat yung margin sa gitna kaya kailangan tingnan natin paano i-narrow yung gap,” dugtong pa ng lider ng Kamara.
Paglilinaw ni Romualdez, hindi naman problema kung naisin ng mga negosyante magkaroon ng kita subalit hindi angkop na magdusa ang mamimili sa pagnanais magkamal ng limpak-limpak na pera.
“Mahirap na ang buhay, lalo na mainit ang panahon, kailangan naman na magpakita ng kaunting malasakit sa mga kapwa natin Pilipino. So, iyon ang po ang uunahin natin, we have to find more quicker solutions that will address this problem,” ayon pa sa Leyte lawmaker.
Kaya naman sa mga susunod na pagdinig ng Kamara, sinabi ni Speaker Romualdez na ipatatawag din para pagpaliwanagin ang mga trader o middleman hinggil sa mataas na benta sa mga konsyumer kahit nananatiling bagsak ang farmgate prices ng pinapakyaw ng agricultural products.
Sa ginawang pagdinig ng House Committee on Trade and Industry kaninang umaga, nabunyag na wala umanong naging aksyon kapwa ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) laban sa mga mapagsamantalang traders at sa hindi makatwirang pagtataas sa presyo ng mga bilihin.
Sinabi ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo kung sa ngayon ay umaapela lamang ang Kamara sa mga negosyante na kontrolin ang kanila pagkaganid, sa mga susunod na mga araw ay maaaring may masampolan sa hanay ng mga profiteers.
“Kanina sa hearing nakita natin, nasa one hundred percent ang profit nila, sobra-sobra. Kaya nga ang sinasabi ni Speaker kanina, bungad niya ay moderate your greed, baka naman pwede. But for now nakikiusap tayo, pero we have the power to direct the DA or DTI to use their power to prosecute,” ani Tulfo.
