Ni ESTONG REYES
SA pagnanais na tiyakin di makakapuslit palabas ng bansa si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy, nagmungkahi si Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ng puganteng religious leader na nahaharap sa kabi-kabilang kasong kriminal sa Pilipinas at Estados Unidos.
Bukod sa mandamiento de arresto na mula sa Pasig at Davao City regional Trial courts, naglabas na rin ng warrant of arrest ang Kamara at Senado bunsod ng hindi pagsipot sa paanyaya ng mga komiteng nag-iimbestiga sa alegasyon ng panghahalay ng mga menor de edad na KOJC members.
“Imbes na magpakita sa Senado o sa mga korte, panay record ng audio message na tila nang-iinsulto pa sa kakayahan ng gobyerno na matunton siya. This is appalling. This should not be allowed to pass, but only challenge the government more to exhaust all means to restrict his movements,” wika ni Hontiveros.
Sa sandaling ilagay sa red flag ang pangalan ng puganteng pastor,hindi na maaari pang aprubahan ang anumang aplikasyon ni Quiboloy sa lahat ng DFA consular office sa loob at labas ng Pilipinas, batay na rin sa umiiral na patakaran ng kagawaran.
Hirit pa ni Hontiveros, dakpin agad si Quiboloy.
“Kung ang puganteng kongresista ay nahuli, sana naman maaresto rin ang puganteng religious leader. Maliit ang mundo. Hindi niya mata-takasan ang batas habambuhay,” aniya pa.
Una nang kinansela ng Philippine National Police (PNP) ang ang lisensya ng 19 na armas na nakapangalan kay Quiboloy.
