MATAPOS ang mahigit isang buwan, balik-gobyerno ang dating director-general ng Philippine Information Agency (PIA).
Pero sa pagbabalik ni Jose Torres, mas mataas na antas ang nakaatang na trabaho — ang tiyakin ang kaligtasan ng mga journo.
Sa isang anunsyo ng Palasyo, itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Torres bilang bagong pinuno ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS), kapalit ni Paul Gutierrez na sinibak matapos madawit sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng kalakalan ng droga.
Sa binigkas na talumpati, tiniyak ni Marcos ang katuparan ng pangakong gagawing ligtas ang pamamahayag – pabor man o puna sa gobyerno.
“Under the helm of the newly appointed head of the Presidential Task Force on Media Security or PTFOMS, Executive Director Jose Torres, we strengthen our resolve in safeguarding the lives of media personnel and practitioners.I asked the PTFOMS to focus their efforts on the members of the local media, whose fearless coverage makes them particularly vulnerable to threats against life, liberty, and security,” wika ni Marcos sa 50th KBP Top Management Conference sa Tagaytay City.
Inatasan na rin ng Pangulo si Torres na pabilisin at palakasin ang operasyon bilang paghahanda sa 2025 midterm elections at tutukan ang local media na karaniwang puntirya ng mga politikong ayaw mabatikos.
