
SA kabila ng balita hinggil sa umano’y pagkalat ng panibagong virus mula sa bansang China, walang nakikitang dahilan ang Department of Health (DOH) para irekomenda ang implementasyon ng lockdown sa bansa.
Wala rin plano ang DOH na itulak ang paghihigpit sa mga paliparan at pantalan sa gitna ng outbreak ng human metapneumovirus (HMPV) sa ilang bahagi ng China kung saan karamihan sa mga tinamaan at mga bata.
Paliwanag ng mga eksperto, karaniwang sumusulpot ang HMPV na nagdudulot ng impeksyon sa upper at lower respiratory tract sa tuwing malamig ang panahon.
Kabilang sa mga ng naturang impeksyon ang ubo, lagnat at baradong ilong.
Ayon kay Assistant Secretary Albert Domingo na tumatayong tagapagsalita ng DOH, lubos nang kilala na ng mga doktor ang HMPV kumpara sa COVID-19 kaya hindi na kailangang isara ang mga border o magpatupad ng lockdown.
“Kilala natin si HMPV, hindi natin kailangan isara ang borders natin at hindi siya kumakalat kahit nandito siya,” diin ng opisyal. “Wala pong lockdown, tuloy po ang ating buhay. Tayo po ay mag-ingat po lamang at ito ay seasonal na mga trangkaso.”
Noong 2024 aniya, 284 kaso ng HMPV ang na-detect sa Pilipinas. “Sa atin naman… hindi ganoon kalakas ang hawahan,” pahabol ng opisyal.