WALANG nakikitang dahilan ang Commission on Elections (Comelec) para itigil ng pamahalaan ang pamamahagi ng ayuda sa mga nangangailangan kahit pa sa gitna ng pangangampanya para sa nalalapit na halalan.
Gayunpaman, nilinaw ni Comelec Chairman George Garcia na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-epal ng mga kandidato sa distribusyon ng ayuda ng gobyerno sa mga tao.
Katunayan aniya, nasa 28 programang naglalayong magbigay ng tulong sa mga maralitang Pilipino ang exempted sa spending ban na karaniwang umiiral sa panahon ng eleksyon.
Kabilang sa mga exempted sa spending ban ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Social Pension for Indigent Senior Citizens, Assistance to Persons with Disability and Senior Citizens, at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at 24 na iba pang programa.
Garantiya ni Garcia, bantay-sarado sa Comelec ang pamumudmod ng ayuda para tiyakin hindi gagamitin ang mga kandidato ang tulong ng gobyerno para masungkit ang kursunadang pwesto.
Babala ni Garcia, diskwalipikasyon sa mga kandidatong eepal sa mga pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan.
