NANININDIGAN si House Appropriations Committee Chair at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na walang bahid ng katiwalian ang Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) — isang proyekto para sa mga may trabaho pero kulang ang buwanang sweldo.
Sa isang panayam, todo-tanggi si Co sa alegasyon na pork barrel ng Kamara ang AKAP.
Katunayan aniya, tanging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang may karapatan humawak ng pondo, gayundin sa pagtukoy ng mga benepisyaryo.
“Ito ay zero-percent corruption. Diretso ito sa tao at DSWD ang namamahala,” wika ng House panel head.
Ayon kay Co, ang AKAP ay nabuo mula sa mga hinaing ng mga minimum-wage earners, gaya ng food service crew at Grab drivers, na hindi kwalipikado sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Aniya, sila ang masipag na manggagawa na halos hindi na makapag pahinga, ngunit nananatiling kapos dahil sa tumataas na presyo ng bilihin, kasabay ng giit na angkop lang tulungan ng pamahalaan.
Ang AKAP, na sinimulan noong 2024 sa ilalim ng liderato ni House Speaker Martin Romualdez, ay may budget na P26 bilyon para sa 2025. Sa unang taon ng implementasyon ng naturang programa, halos limang milyong Pilipino ang nakatanggap ng tulong na P5,000 bawat pamilya.
“Nais kong ipagpatuloy ang AKAP kahit tapos na ang termino ko,” ani Co, sabay diin na kailangan ang political will upang mapanatili ang mga programang tulad nito.
Samantala, nanawagan naman si Baguio City Rep. Mark Go kay Mayor Benjamin Magalong na suportahan ang pagbibigay ng ayuda ng gobyerno sa mga residente ng nasasakupang siyudad.
Hinamon din niya si Magalong na huwag haluan ng pulitika ang isang magandang programa ng gobyerno.
Pinasinungalingan ng mambabatas ang paratang ni Magalong na ang Office of the Speaker ang nagpapalabas ng financial assistance para sa mga programang AKAP, Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) gamit ang “7-7-7 Ayuda System”.
“Hindi totoo ang sinasabi niyang ‘seven-seven-seven.’ AKAP, AICS, and TUPAD are national government programs of President Ferdinand Marcos Jr. with well-defined processes and oversight mechanisms,” himutok ng Baguio City solon.
“Ginagawa po natin ang ating trabaho para masigurong may budget ang mga national programs para sa Baguio. Dapat supportive at nakikipagtulungan siya kapag pinaglalaban natin ang budget para sa Baguio City dahil tumutulong ito na guminhawa ang buhay ng mga higit na nangangailangan,” dagdag pa niya.
“Ang city government ay may social funds rin at alam ko na ginagamit niya rin ito para sa mga taga-Baguio. Supportive tayo dito,” pahabol ng kongresista. (Romeo Allan Butuyan II)
