PARA sa isang dating mambabatas, hindi dapat kinatatakutan ng defense panel ang pagbubukas ng selyadong kahon na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte.
Sa panayam sa programang “Bantay sa Kongreso” nina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali ng GMA-DZBB, sinabi ni former Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na malaking bentahe sa panig ng pangalawang pangulo ang nilalaman ng kahon para patunayan na mali ang akusasyon ng prosekusyon.
Kung tama naman ang deklarasyon ng nasasakdal sa mga yaman nilang mag-asawa ay mapapatunayan ito sa mga dokumento ng BIR kaya maaari pumabor ito sa bise presidente kung maisasapubliko sa pamamagitan ng impeachment trial,” wika ni Barbers na tumatayong adviser ng House prosecution panel .
Paglilinaw ni Barbers, iginagalang ng prosekusyon ang pasya ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero.
Gayunpaman, kumbinsido ang dating mambabatas na malaking bentahe ang tax records bilang ebidensya partikular sa pagdinig sa ikatlong Article of Impeachment hinggil sa unexplained wealth ng bise presidente.
“Darating ang panahon na ipiprisenta po ulit ito dahil naniniwala ang prosecution team na very relevant at very material itong ebidensyang ito,” dugtong ni Barbers.
“Sa punto na kung saan tatalakayin na yung Article 3, yung unexplained wealth—dito naglalaman ng box na ito ng mga ebidensyang nagpapatunay sa alegasyon ng prosecution at maaari din naman mag counter doon sa panig naman ng depensa,” anang former Surigao del Norte congressman.
Aniya, hindi naman agad maituturing na laban kay Duterte ang tax records dahil sumang-ayon din naman ang panig ng depensa na magamit ang naturang dokumento bilang ebidensya.
“This piece of evidence will work both ways kapag ito ay ginamit during the trial dahil parehas naman pong common evidence ito ng dalawang panig. ‘Di dapat matakot sa ebidensya. If it supports the prosecution’s case, then this piece of evidence must be considered. Tanggapin dapat ito ng korte,” punto ni Barbers.
Tahasang sinabi ni Barbers na “ang pinakaimportante ay madinig ng ating kababayan ang ebidensya. ‘Yung political speculations o yung political angle tungkol dito sa trial na ito ay dapat isantabi muna natin. Tingnan natin kung ano bang ebidensyang ilalatag ng dalawang panig para lumabas ang katotohanan.” he said.
“Gusto natin talaga malaman ang punot dulo at ang katotohanan sa likod nitong usapin ng impeachment na ito,” wika pa niya.
