HINDI bababa sa 100 baril ang nakapangalan kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni Matibag ang pagsusumite ng formal request sa Philippine National Police Firearms and Explosives Office para kanselahin ang mga lisensya ng baril na nakapangalan kay Dela Rosa.
Target din ni Matibag ipalusaw ang license to carry na inisyu sa puganteng mambabatas.
Una nang sinabi ni Matibag “armed and dangerous” ang senador na target ng malawakang manhunt sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon Matibag, kabilang umano sa mahigit 100 baril na nakapangalan sa mambabatas ang mga high-powered firearms, automatic rifles, shotguns, at iba’t ibang uri ng sidearms na nakarehistro sa Davao.
Nilinaw ni Matibag na ang pagmamay-ari ng baril ay isang pribilehiyong pwedeng bawiin ng gobyerno kung malalagay sa peligro ang mga tao.
