HAYAGANG pinuna ng isang militanteng kongresista ang patuloy na pananahimik ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa pinadalang summon ng Senado sa tanggapan ng pangalawang pangulo.
Kalakip din ng summon ang Articles of Impeachment na kinakailangan sagutin ng kampo ni Duterte, alinsunod sa inilatag na rules ng senate impeachment court.
Sa panayam ng Tira Brigada program ng 105.1 Brigada News FM Manila, sinabi ni House trial spokesperson at Assistant Minority Leader Renee Co (Kabataan) na hinihintay din ng lupon ng tagausig ang calendar na susundin Senado sa idaraos na impeachment trial proper.
“Noon at hanggang ngayon ay handa naman po ang House prosecution team na kung anuman yung nakalapat sa articles of impeachment ay himay-himayin ang ebidensya nito, i-deliver yung mga legal arguments at syempre i-ensure na ‘yung mga sagot na gusto nating marinig ay makuha at syempre depensahan at the end of the day yung allegations natin sa Articles of Impeachment,” wika ni Co.
Subalit ayon kay Co, hanggang sa ngayon ay wala pang official transmission ng schedule galing sa Senado.
“Ang alam natin may 10 araw si VP Sara, calendar days po ito na para ihain yung sagot niya pagkatapos pinadalhan siya ng subpoena ng Senado. Pagkatapos po makuha ng Senado and ng House yung answer, meron pong 5 days ang Prosecution Panel na magsumite ng reply, after which magkakaroon ng pre-trial and then trial proper na pero yung mismong araw kung kailan gagawin yun ay hinihintay pa natin yung mismong kalendaryo galing sa Senado,” paliwanag ng militanteng kongresista.
“Sa ngayon po wala pa po tayong nare-receive kaya po inaabangan din natin yung mismong answer at inaabangan din ng taong bayan sigurado po ako dahil itong issue na ito, yung mga tinatanong natin, mga 2023 pa ‘yan nandiyan. Hanggang ngayon hindi pa rin po nasasagot,” dagdag niya.
Giit ni Co, sa kabuuang ng impeachment process na isinagawa ng House Committee on Justice at sa pagkumpirma ng kampo ng bise presidente na natanggap na nito ang writ of summon ng Senado ay patuloy na umiiwas ang nasasakdal.
“Puro teknikalidad at procedural yung mga argumento kung bakit hindi po valid yung proceedings o kung ano man, noong 19th Congress hanggang ngayon, wala pa tayong narinig na substantive o yung answer na talagang sumasagot doon sa mga alegasyon. Yun po ang gusto natin marinig natin na matagal na,” ayon pa kay Co.
Panawagan ni Co sa publiko, maging mapagmatyag ar mapanuri sa mga kumakalat na impormasyon at balita tungkol sa impeachment trial ni Duterte.
“Nag-aalala tayo sa lumalalang disinformation na nakikita sa social media na lumalaganap din sa physical on-ground sa araw-araw nating buhay. Kaya kailangan lahat tayo magtulungan para labanan ang disinformation,” aniya.
Kabilang tinuligsa ni Co ang akusasyon ni Sen. Imee Marcos pagtutulak umano ng minority bloc sa Senado ng Charter change, no-elections at term extension para manatili sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaling makalusot si Duterte sa impeachment charges.
Hinimok din niya ang mga kabataan na aktibong tumutok sa impeachment proceedings, na mayroong ibayong pag-iingat at kaalaman para matukoy kung ano ang tamang impormasyon o balita at iwaksi ang fake news at disinformation.
“Sa mga Pilipino na nakikinig, pwede tayong hindi lang tagapagmasid pero active participants sa pag-voice out sa social media or even on ground ng saloobin natin,” ani Co.
Sinabi rin niya na ang public engagement sa pamamagitan ng online discussions, community conversations, o close monitoring ng impeachment proceeding ay mahalaga para sa pagsusulong ng accountability at democratic participation.
Giit ni Co, ang magiging hatol ng Senate impeachment court ay dapat nakabatay sa ebidensya — “Dapat po ebidensya. Hindi loyalty to one personality, hindi dapat 2028 prospects, pero ebidensya at syempre prinsipyo.”
