Ni ESTONG REYES
MATAPOS tablahin ang inakdang PNP Reform Bill, nagpahiwatig si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng hindi pagdalo sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 22.
Katwiran ni dela Rosa, masakit daw ang kanyang tuhod.
Sa isang panayam sa radyo kahapon, isa sa mga paksa ng tambalang Ted Failon and DJ Chacha sa Radyo 5 ang pagdedma ni Vice President Sara Duterte sa nalalapit na araw ng pag-uulat ng Pangulo sa Batang Pambansa Complex sa Quezon City.
Sa gitna ng talakayan, tinanong ang senador kung siya’y makikibahagi sa taunang SONA ni Marcos.
“Titingnan ko. Masakit yung tuhod ko eh. Titingnan ko kung maka-attend ako,” wika ni dela Rosa, sabay halakhak sa tinuran.
Sa hangarin alamin kung biro ang sinabi ng senador, muling nagtanong soi Failon kung nagbibiro lamang ang senador.
Ang sagot ni dela Rosa – “Medyo seryoso kasi masakit yung tuhod ko. Baka hindi ako makalakad-lakad doon sa loob. Titingnan ko lang din ha, titingnan ko. Kung hindi, baka hindi ako maka-attend.” ani Dela Rosa.
