Ni ESTONG REYES
DAWIT talaga sa illegal POGO operation sa Porac, Pampanga si dating Presidential Spokesperson Harry Roque, ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, mas kapanipaniwala ang mga nakalap na dokumento at salaysay ng mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na una nang nagsiwalat sa panghihimasok ng dating tagapagsalita ni former President Rodrigo Duterte sa usapin ng illegal POGO operation ng Lucky South 99 na sinalakay sa Porac, Pampanga.
Partikular na tinukoy ni Hontiveros na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ang testimonya ni PAGCOR Assistant Vice President Jessa Mariz Fernandez sa komite.
Ayon kay Fernandez, anim na beses tumawag sa kanya si Roque para mangulit sa re-application ng lisensya ng Lucky South 99 bilang offshore gaming company licensee.
“Hindi kapani-paniwala na hindi siya sangkot sa Lucky South o hindi niya alam ang lahat-lahat tungkol sa Lucky South. Paano ka magpa-follow-up ng anim na beses sa isang kumpanyang hindi mo alam?” diin ni Hontiveros sa isang panayam sa radyo.
“Itong mga konektado sa POGO puro na lang hindi alam, hindi maalala ang sagot,” patutsada pa ng minority senator.
Gayunpaman, nilinaw ni Hontiveros na kailangan humarap sa pagdinig ng komite si Roque para timbangin kung isasama ang dating presidential spokesperson sa mga irerekomendang sampahan ng kaso.
