
HINDI makakaiwas sa napipintong pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) si Senador Ronald Dela Rosa, ayon kay dating Senate President Franklin Drilon kahit pa sumang-ayon ang kasalukuyang liderato ng senado sa hiling ng mambabatas na kabilang sa mga sinampahan ng kaso.
Paliwanag ni Drilon, posible lang gamitin ang probisyong “immunity” laban sa nakaambang paglabas ng ICC warrant of arrest si Dela Rosa sa dalawang kondisyon — kung may sesyon at kung pipitsugin lang ang asunto.
Sa kaso aniyang kinakaharap ni Dela Rosa sa ICC, hindi pasok sa kategorya ng “minor offense” ang crimes against humanity na inihain ng grupong Magdalo at pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) na kalakip ng giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
“Unang-una dapat may sesyon ang Senado. Kung walang sesyon, walang basehan si Chiz (Senate President Francis Escudero) na pigilan ang pag-aresto kay Dela Rosa. Pangalawa, kung ang penalty ay only for minor offenses,” ani Drilon sa isang panayam sa radyo.
Hindi rin aniya pwedeng harangin ng Senado ang arrest warrant na may basbas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Sa aking tingin, wala siyang kapangyarihan na pigilin ang arrest warrant dahil ito po’y pinayagan ng Executive Branch, ng Pangulo ng bansa, pinayagan na i-serve ang warrant kay (dating) Presidente Digong kaya it is an executive function. Trabaho ito ng Pangulo, hindi ng Senado.”
Bilang pagbabalik-tanaw, inihalimbawa ni Drilon ang pagdakip kay dating Senate president at ngayon ay Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na kinasuhan ni Drilon (noon ay Justice secretary) ng rebellion complex with murder at dating Sen. Leila de Lima na kinasuhan (at inabswelto ng korte) sa gawa-gawang kaso. (ESTONG REYES)