
PAYBACK time. Ito marahil ang nasa isip ni dating Senador Leila De Lima sa pahayag ng kahandaan tumayong testigo sa pagdinig ng International Criminal Court (ICC) sa crimes against humanity na kinakaharap ni former President Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, nilinaw ni De Lima na gagawin niya ang pagharap sa ICC sa bisa ng isang pormal na paanyaya. Si De Lima ang chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) na unang nagsiwalat ng sistematikong patayan ng tinaguriang Davao Death Squad sa panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang alkalde ng Davao City.
“Handa, opo. Marami nga po akong mga alam and then yung mga naging findings ko rin non nung kami ay nag-imbestiga non sa Davao Death Squad,” wika ni De Lima sa programang Sakto Lang ng Abante Radyo.
Umubos ng halos pitong taon si De Lima sa loob ng piitan bunsod ng patong-patong na kasong may kinalaman sa droga. Abswelto sa lahat ng asunto ang dating senador. (ESTONG REYES)