SA gitna ng dinaranas na kahirapan ng mga mamamayan, nagpahayag ng pagkadismaya ang pamahalaan sa umano’y bagong modus na nambibiktima sa mga maralita.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice (DOJ) ang umano’y online modus na nanghihikayat sa mga gipit na magbenta ng sariling laman-loob.
Para sa IACAT, lubhang mapanganib sang naturang modus, kasabay ng panawagan para sa ibayong pag-iingat laban sa mga umano’y patibong ng panlilinlang, pagpilit o pang-aabuso sa likod ng tinatawag na “organ trafficking trap.”
Bagama’t mistulang mabilis na solusyon sa simula dahil sa alok na pera, kapalit naman nito ang seryosong panganib sa kalusugan — kung hindi man kamatayan.
Hiling na IACAT sa publiko, huwag patulan ang mga kahalintulad na imbitasyon lalo pa’t hindi matutumbasan ng anumang halaga ng pera ang kaligtasan ng mahuhulog sa patibong.
Bagkus hinimok ng trafficking council ang publiko na agad na magsumbong sa ‘1343 Actionline Against Human Trafficking’ sakaling may matisod na katulad na modus.
