SA gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa bunsod ng hidwaan sa Middle East, nanawagan si Senador Mark Villar sa mga government-owned and controlled corporations (GOCC) na magpatupad ng loan moratorium at penalty relief.
Sa ilalim ng Senate Resolution 366, partikular na tinutulak ni Villar ang pagpapatupad ng mga hakbang na magbibigay ng “konting pag-unawa” sa bisa ng mekanismong grace period, at condonation ng penalties sa mga miyembro at pensioner.
Saklaw ng panukala ang mga ahensya at institusyong pinansyal tulad ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), LandBank, at Development Bank of the Philippines (DBP).
Para kay Villar, higit na angkop ang pansamantalang suspensyon sa pagbabayad ng loan, pagtanggal ng multa, at flexible terms sa pagbabayad.
“Dapat nating bigyan ng agarang ginhawa ang ating mga kababayan. Ang pansamantalang suspensyon ng bayarin at pagtanggal ng penalties ay malaking tulong upang makabangon sila sa gitna ng krisis,” ani Villar.
Sa ilalim ng mungkahi ni Villar ang isa hanggang tatlong buwang loan moratorium, penalty condonation, loan restructuring, pagbabawas ng interest rate, at mas mabilis na pag-apruba ng calamity o emergency loans na may kasamang grace period.
Giit din ng senador, ang mga naturang hakbang na hango sa mga unang tugon ng pamahalaan sa panahon ng krisis upang maiwasan ang pagka baon sa utang ng mga miyembro at pensioner, lalo pa’t patuloy ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
“Naging matagumpay ang pagpapatupad ng mga katulad na hakbang sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act. Nakita rin natin ang positibong epekto nito sa ‘Balik Ginhawa’ program ng GSIS, na nagbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong miyembro, pensionado at kanilang mga pamilya,” sambit ng mambabatas.
Nauna nang iniulat na pinag-aaralan na rin ng SSS ang pagpapatupad ng loan moratorium at penalty condonation, habang kumikilos ang Bangko Sentral ng Pilipinas upang ipatigil ang pagpapataw ng penalties sa mga apektadong borrowers.
Sakaling ganap na maging batas, inaasahang magbibigay ito ng agarang tulong pinansyal sa mga mamamayan habang pinananatili ang katatagan ng pondo ng mga GOCC at iba pang institusyong pinansyal ng pamahalaan.
“Hindi natin alam kung kailan matatapos ang krisis na ito. Kaya mahalaga ang pagtutulungan at bayanihan upang mabigyan ng sapat na suporta ang ating mga kababayan, lalo na ang mga manggagawa,” pagtatapos ni Villar.
