HIGIT na malawak ang saklaw ng mga naambunan ng biyaya mula sa ghost projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagdinig ng senate blue ribbon committee, hayagang nilaglag ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo si Executive Secretary Lucas Bersamin na umano’y kabilang sa mga nanghihingi ng 15 percent na komisyon sa mga proyekto ng departamento.
Pasok din sa mga nilaglag ni Bernardo si Trygve Olaivar ng Department of Education (DepEd), dating Senador Ramon Bong Revilla Jr., dating Senador Edgardo Angara na ngayon ay nakaupong Kalihim ng DepEd.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, ikinuwento ni Bernardo na una niyang nakausap si Olaivar noong 2010 sa opisina ni Revilla.
“Usec. Olaivar personally called me for a meeting to discuss ‘Unprogrammed Appropriations’ supposedly for the Office of the Executive Secretary. In the said meeting, he requested me to submit a list of projects,” wika ni Bernardo nang makausap niya si Olaivar noong 2024.
“After the meeting, I asked Bulacan 1st DEO to prepare a list of projects for funding. Thereafter, Engr. Alcantara submitted a list of projects worth P2.85 billion,” dagdag pa niya.
Noong isinumite ni Olaivar ang listahan, sinabi umano nitong: “Boss, kinse yan.”
“Thereafter, the DPWH received a Special Allotment Release Order (SARO) for P2.85 billion for the projects,” paglalahad ni Bernardo.
Damay din sa laglagan sina Senador Francis Escudero, at dating Senador Nancy Binay.
Ayon kay Bernardo, personal siyang nag-deliver ng P160 milyon sa isang “Maynard Ngu” na para diumano kay Escudero. Aniya, si Ngu ay malapit na kaibigan at campaign contributor umano ni Escudero.
Aniya, P125 milyon naman ang dineliber ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara sa bahay ni Revilla sa Cavite bilang 25% porsyento ng dating senador.
Noong 2024 naman, tumawag sa kanya si Carleen Villa na tauhan ni Binay at humirit ng commitment na 15% na kabuuang halaga ng proyekto na kanya namang inutos kay Alcantara. (ESTONG REYES)
