SA unang pagkakataon, direktang idinawit ng isang retiradong sundalo sa flood control kotong si House Speaker Martin Romualdez.
Sa testimonyang inihayag sa pagdinig ng blue ribbon committee, inamin ni Orly Regala Guteza ang pagdedeliver ng 46 maleta ng pera sa bahay nina House Speaker Martin Romualdez at kaalyadong partylist Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Guteza, nasa P48 milyon ang laman ng bawat maleta.
Si Guteza ay isang retiradong sundalo na bahagi ng security team ng nagtatagong partylist congressman.
Pag-amin ni Guteza, trabaho niya ang magdala tinawag niyang “basura.” Nang usisain sa senado kung anong klase ng “basura” ang kanyang tinutukoy, hayagang sinabi ng retiradong sundalo na male-maletang pera na karaniwang dinadala sa bahay nina Co at Romualdez.
“Ang ibig sabihin ng “basura” ay maleta na may lamang pera. Ang bawat maleta ay may lamang humigit-kumulang P48 million. Ang bawat maleta ay may post-it na nakadikit na nakasaad kung magkano ang bawat maleta.”
Aniya, dinadala umano ang mga maleta ng pera mula sa Bonifacio Global City Horizon patungo sa tahanan ni Co sa Valle Verde 6.
Dagdag pa niya, minsan ay 35 pirasong maleta ang inihatid sa bahay ni Romualdez sa McKinley Street, habang ang 11 maleta ay naiwan sa unit ni Co.
“Dumidiretso kami sa basement upang ibaba ang nasabing basura at dalhin sa unit ni Congressman Zaldy Co sa 56th floor sa nasabing lugar kung saan siya nakatira,” ani Guteza.
“Bago ibaba ang nasabing basura, ito ay bawas na. Halimbawa nag-akyat kami ng 46 na maleta ibaba lamang namin ay 35 maleta para ideliver sa bahay ni House Speaker Martin Romualdez,” dagdag pa niya.
Humiling naman si Guteza na maisailalim sa Witness Protection Program, at iginiit na nagsalita siya para hindi umano masira ang kinabukasan ng kanyang mga anak at apo. (ESTONG REYES)
