
SA gitna ng problema sa pananalapi ng bansa, nakuha pa ng mga opisyal ng National Youth Commission (NYC) na gumastos ng P36.82 milyon para sa kabi-kabilang biyahe at bakasyon sa mga mamahaling resorts at hotel.
Batay sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA), lumalabas na kabilang rin sa mga pinagkagastusan ng naturang tanggapan ang biyahe sa ibang bansa at ang kaduda-dudang pamamahagi ng pabaon sa lider kabataan.
Sablay din ayon sa COA ang proseso at mga dokumentong isinumite sa state auditor.
Sa 2022 audit report, sinilip din ng COA ang hindi maipaliwanag na malaking gastusin sa mga pagbiyahe sa ibang bansa dahil sa kakulangan ng sapat na pagpaplano sa iba’t ibang mga aktibidad ng nasabing tanggapan.
Pasok din sa nabistong bulilyaso ang nasayang na P1.28 milyong hotel reservation fee na binayad ng NYC para sa ‘summits’ ng ahensya sa Boracay, Baguio City, Bohol, Batangas at Ilocos Norte.
Gayunpaman, nagpaliwanag ng NYC. Anila, hindi nagamit ang mga pinareserve na hotel room dahil tinamaan ng COVID-19 ang mga opisyales ng ahensya at mga delegado – bagay na pinagdudahan ng COA bunsod ng kawalan ng patunay tulad ng medical records.
Hindi rin katanggap-tanggap sa COA ang P1.03 milyong ‘token’ na hindi anila tugma sa bilang ng mga dumalo.
Wala pang sagot si NYC Chairperson at Chief Executive Officer Ronald Gian Carlo Cardema.