
MAHIGIT isang linggo matapos ibasura ang mandatory facemask policy na kaakibat ng pagtanggal ng state of national health emergency, muling hinikayat ng Department of Health (DOH) ang mga mamamayan na magsuot ng angkop na proteksyon kontra COVID-19 bunsod ng bagong tuklas na EG.5 Omicron subvariant sa bansa.
“The Department of Health (DOH) strongly recommends the public to continue adhering to our layers of protection such as wearing facemasks, isolating when sick, and ensuring good airflow,” saad ng DOH sa isang anunsyo.
Katunayan pa ayon sa DOH, nakapagtala na ang kagawaran ng hindi bababa sa 10 kumpirmadong kaso ng EG.5 subvariant mula sa genome sequencing nito lamang nakalipas na Hulyo 27.
Paliwanag ng ahensya, ang EG.5 subvariant ay isang sublineage ng XBB.1.9.2 na kabilang sa mga tinututukan ng World Health Organization (WHO). Bukod sa Pilipinas, may 49 pag bansa ang nakitaan ng mga kumpirmadong kaso ng EG.5 subvariant.
Gayunpaman, nilinaw ng DOH maliban sa bilis ng hawaan, walang masyadong pagkakaiba ang EG.5 subvariant at sinaunang anyo ng Omicron variant batay na rin sa mga isinagawang pag-aaral ng mga dalubhasa.
Samantala, nanawagan ulit ang DOH sa publiko na magpabakuna bilang proteksyon sa COVID-19.