NAKAPAGTALA ng malaking antas ng pagsipa ng mga kumpirmadong kaso ng nakamamatay na leptospirosis ang tanggapan ng Department of Health DOH cases sa Calabarzon region, pag-amin ni regional director Ariel Valencia.
Sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH-Calabarzon, pumalo sa 95 ang bilang ng mga taong tinamaan ng leptospirosis sa unang pitong buwan ng taon – mas mataas ng 76% kumpara sa 54 cases na naitala noong unang pitong buwan ng nakalipas na taon.
Ayon kay Valencia, pinakamataas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso sa Quezon kung saan 35 katao ang nasuri at nagpositibo sa leptospirosis. Nasa ikalawang pwesto naman ang Rizal na may 22 kaso, pangatlo ang Laguna na nakapagtala ng 16 kasunod ang Batangas na may 13 kaso at siyam naman sa Cavite.
Payo ni Valencia sa mga residente ng Calabarzon region, ibayong ingat kasabay g giit na iwasan ang paglusong sa tubig bahang dulot ng mga pag-ulan.
Samantala, tiniyak ng opisyal ang kahandaan ng kanyang tanggapan. Katunayan aniya, inihanda na rin ng DOH Calabarzon ang pamamahagi ng 142 kapsula ng doxycycline para sa mga makikitaan ng sintomas ng naturang karamdaman.