
Senador Raffy Tulfo. Senate PRIB
Ni Estong Reyes
KINASTIGO ni Senador Raffy Tulfo ang pagbili ng Bureau of Customs (BOC) ng mababang kalidad na mobile X-ray equipment mula sa China na mayroong overpriced na maintenance cost.
Sa deliberasyon sa Senado hinggil sa panukalang 2024 budget ng BOC, kamakailan, itinanong ni Tulfo kung bakit pinili ng BOC na bumili ng kagamitan sa China kaysa sa tatak mula sa ibang bansa tulad ng US na mas mura at may magandang kalidad.
Matatandaan na noong 2016, nagbayad ang gobyerno ng Pilipinas ng P7.953 bilyon sa Chinese firm na Nuctech Co. Ltd. para sa 30 unit ng mobile X-ray equipment sa pamamagitan ng loan agreement sa Chinese government.
Kahit na na-flag na ng Commission on Audit ang nasabing pagbili ay “exorbitantly overpriced” ng P4.215 bilyon, binili pa rin ng BOC ang parehong modelo noong 2020.
Higit pa rito, binigyang diin ni Tulfo na ang BOC ay nagbabayad ng humigit-kumulang P700 milyon bawat taon para sa maintenance ng nasabing kagamitan mula sa Nuctech. Hindi pa kasama dito ang pagpapalit ng mga piyesa nito.
Isa pa sa kinuwestiyon ni Tulfo ay ang patuloy na pagbabayad ng BOC para sa maintenance ng mga kagamitan kahit na non-operational. Ayon kay Commissioner Bienvenido Rubio, sa 26 na makina, 2 ang non-operational at hinihiling pa ng BOC na i-upgrade ito.
Tungkol sa pag-upgrade, inirekomenda ni Tulfo na i-dispose na ang mga non-operational machine at sa halip ay bumili ng mas murang equipment mula sa mga reliable brand mula sa ibang mga bansa tulad ng US.
Isa pang isyu na binanggit ni Tulfo ang talamak na smuggling ng goods at iba pang kontrabando sa pamamagitan ng misdeclaration.
Hinimok niya ang BOC na tugunan ang isyung ito, at binanggit bilang halimbawa ang mga mamahaling sasakyan na nakapasok sa bansa nang walang rekord sa Customs.
Sa mga ganitong kaso halimbawa, ang mga smuggler ay magdedeklara ng mga bagay bilang pick-up truck upang maiwasan ang pagbabayad ng excise tax dahil ito ay itinuturing na isang bagay na kailangan para sa kabuhayan.
Sa huli, sinabi ni Tulfo kay Rubio na linisin ang kanyang sariling bakuran upang matigil ang smuggling.