Ni Estong Reyes
IMINUNGKAHI ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes na gawing pang-dalawa o tatlong taon (multi-year) ang pagbabadyet sa Commission on Elections (Comelec) ngayon upang masimulan ang paghahanda sa 2025 midterm-elections.
Sa isinagawang plenary debate ng Senado sa panukalang 2024 budget ng Comelec, sinabi nni Cayetano na pawang mahirap sa komisyon na paghandaan nang lubusan ang halalan, tulad ng 2025 midterm polls na “napaka-importante para sa ating bansa,” gamit ang taunang budget.
Ayon sa independent senator, ang taunang budget kasi ay nangangahulugang hindi makapaghanda ang Comelec para sa midterm elections dalawang taon mula ngayon.
“It’s very difficult to finish the budget signed by the President around December (2024), then January (2025) magsa-start [ang effectivity], and then ang election ay Mayo (2025),” wika niya.
Samantala, nagawa aniya ng Comelec na magdaos ng “generally peaceful and fair” na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil bukod sa “political will,” may sapat na panahon ito para maghanda dahil buwan ng October ito ginanap, sampung buwan mula nang umpisahan ang bisa ng 2023 national budget.
Giit pa ni Cayetano, dapat ding isaalang-alang ng gobyerno ang ilang posibleng factor na gagambala sa eleksyon. “Like n’ung pandemic, a simple thing like logistics of how do you get the ballots to Northern Luzon, Visayas, Mindanao became a nightmare,” aniya.
Ayon sa Comelec, P5.96 billion pa ang kailangan para sa pag-procure ng lahat ng materyales na kailangan bilang paghahanda sa midterm elections sa 2025, kung kailan maghahalal ang taumbayan ng mga bagong senador, miyembro ng Kongreso, at mga local government official.
Hinimok ni Cayetano ang mga kapwa senador na humanap ng “innovative but legal way” para maibigay na sa komisyon ang lahat ng kailangan nito ngayong taon upang hindi na kailangang hintayin pa ang January 2025 bago makapag-bid ng mga kailangan para sa botohan.
“I wonder if we can consider a two or three-year cycle ng budget para sa Comelec,” aniya.
“Meaning, if they need P5.6 billion and we only gave them P3 billion this year, but we’re assuring them that we will give them the P2.6 billion in January 2025, can they bid the whole P5.6 billion para in January 2025 hindi na nila inaalala y’ung admin side ng procurement?” dagdag niya.
Sinang-ayunan ni Senador Imee Marcos, na siyang nag-presenta ng budget ng Comelec sa plenaryo, ang obserbasyon ni Cayetano, at sinabing mas angkop ang three-year budget cycle para sa komisyon dahil kada-tatlong taon din ang eleksyon sa Pilipinas.
“The problems that the one-year cycle produces are very evident in the construction of the Comelec building. It’s grossly inefficient,” aniya.
Sinabi ni Cayetano na aasahan niyang matalakay ang mga nasabing suhestyon patungkol sa budget ng Comelec sa bicameral conference ng national budget na gaganapin sa katapusan ng November.