KASADO na ang hanay ng mga testigong magdidiin kay Senador Jinggoy Estrada na nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng tinaguriang flood control scandal. Tampok sa talaan ng mga tesigong prosekusyon si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan at 21 pang “whistleblowers.” Bukod kay Estrada, kabilang rin sa mga nahaharap sa kaso sina dating DPWH assistant district engineer Daryl Caesar Cortuna at dating district engineers Manny Bulusan at Arturo Gonzales Jr. Personal na dumalo sa pre-trial proceedings ng Sandiganbayan si Bonoan na kasama rin sa orihinal na talaan ng mga akusado. Gayunpaman, hiniling ng Office of the Ombudsman na alisin ang dating Kalihim bilang akusado matapos sumang-ayon tumayong “state witness” sa kaso ni Estrada at iba pang mga prominenteng politiko na sinasabing nagkamal sa flood control scandal. Nakatakda namang iharap ng prosekusyon si Bonoan at 21 iba pa sa pagdinig ng Sandiganbayan sa petition for bail na inihain ng kampo ni Estrada. “We will be presenting 21 witnesses, your honor, consisting of whistleblowers,” wika ni assistant special prosecutor Darlene Vivas kay Associate Justice Gener Gito. Unang isasalang ng prosekusyon sa Oktubre 20 si Atty. Ivan Bernard Samson, isang agent ng National Bureau of Investigation. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Dedma sa survey: Ebidensya batayan ng hatol kay Duterte Tugon sa epekto ng El Niño sa agrikultura, kasama sa budget