TINIYAK ng liderato ng Kamara na nakapaloob sa pinagtibay ng bersyon ng panukalang 2027 national budget ang pondong pantugon sa epekto ng super El Niño sa sektor ng agrikultura. Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, dinagdagan ng Kamara ang alokasyon para sa agricultural assistance, irrigation, at rural infrastructure para tulungan ang mga local farmers at fisherfolks na mapaghandaan ang matinding tagtuyot. “Hindi pa man dumarating, maagap din tayong kumilos para mabigyan ng karagdagang pondo sa paghahanda laban sa sinasabing ‘Super El Niño’ kung saan tatamaan ang libu-libo sa ating mga mangingisda at magsasaka,” wika ng House leader. Partikular na tinukoy ng former Isabela governor ang isinulong na House amendments kabilang ang dagdag na ₱10 billion para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk, gayundin karagdagang ₱500 million para sa Expanded Fertilizer Assistance at ₱4.09 billion para sa irrigation projects sa buong bansa. Meron din aniyang karagdagang ₱4.96 billion para sa Farm-to-Market Roads, ₱150 million naman sa agricultural transport infrastructure; ₱100 million para sa high-value crops, habang mayroon ding ₱331 million na alokasyon sa Climate Resilient Farm Productivity Support. “Sinigurado natin na ang pinakamahalagang pamantayan ay ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan—mula sa edukasyon at kalusugan hanggang sa paghahanda sa mga sakunang dulot ng climate change, katulad ng El Niño,” anang lider ng Kamara. “Sa ating mga farmers and fisherfolk, ito po ang aming panata: huwag po kayong mangamba dahil anumang unos ang dumating, nandito ang buong pamahalaan at ang Kamara na kasama ninyong naghahanda upang harapin ang mga hamong ito.” Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Bonoan pandiin sa kasong plunder kontra Jinggoy Pagbawi sa 3 impeachment charges, taktika ng tagausig