NAKATAKDANG magsumite ng kahilingan sa Sandiganbayan ang Office of the Ombudsman para ‘i-discharge’ si former Secretary Manuel Bonoan sa mga kinakaharap na kaso upang maging “state witness” sa maanomalyang flood control projects ng Department Public Works and Highways (DPWH) na dating pinamumunuan.
Pag-amin ni Ombudsman Crispin Remulla, sumang-ayon na si Bonoan ilahad sa hukuman lahat ng nalalaman at mga sangkot sa malawakang katiwalian sa mga proyekto kontra baha ng pamahalaan.
Nahaharap si Bonoan sa kasong plunder kasama sina Senador Jinggoy Estrada, at iba pang opisyal ng DPWH.
“We already have a side agreement for the cooperation of former Secretary Manuel Bonoan to be a state witness, to be a cooperating witness,” ani Remulla sa isang press conference.
“We will ask the court to discharge him as a respondent so he can testify for us as a state witness,” paliwanag ni Remulla.
Para kay Remulla, mahalaga ang testimonya ni Bonoan sa pagpapatibay ng mga kasong inihahanda ng Ombudsman kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.
“The knowledge that he has about the whole institution is something very important to us to be able to prove many cases… we will be benefiting from his testimony with regard to many of the cases that we are filing,” aniya pa.
Una nang kinatigan ng Sandiganbayan ang hirit ng kampo ni Bonoan na isailalim sa hospital arrest ang Kalihim dahil sa malubhang karamdaman.
