SUPORTADO ng pamunuan ng Kamara ang panawagan para sa mas higit pang reporma sa pagtalakay sa panukalang national budget.

Sa isang kalatas, partikular na isinusulong ni House Speaker Faustino Dy III ang “budget transparency” at “public scrutiny.”

“Dapat malaman ng taumbayan kung saan napupunta ang kanilang pera, sino ang nagpanukala ng mga proyekto, bakit kailangan ang mga ito, at kung sino ang makikinabang,” wika ni Dy.

“Handa ang Kamara na ilabas ang mga kinakailangang dokumento, suportahan ang mas bukas na pagtalakay sa badyet, at makipagtulungan sa mga grupo ng mamamayan upang mas madaling masuri ng publiko ang mga proyekto ng gobyerno,” dugtong ng House Speaker.

Ayon sa lider ng Kamara, “dapat din unahin ang mga tunay na pangangailangan ng ating mga kababayan—pagkain, trabaho, kalusugan, edukasyon, mga kalsada at paghahanda sa kalamidad at El Niño.”

“Pero mahalaga rin linawin na hindi lahat ng pagbabagong ginagawa ng Kongreso sa badyet ay mali. Tungkulin ng mga kongresista na ipaglaban ang pangangailangan ng kanilang mga distrito. Ang mahalaga, maayos ang proyekto, kumpleto ang dokumento at may tunay na pakinabang sa tao,” paliwanag ng lider-mambabatas.

Sa pagtalakay aniya sa pambansang budget at iba pang panukalang  isinasalang sa Kongreso, “walang dapat itago kung walang ginagawang mali. At walang dapat katakutan kung ang layunin ay maglingkod nang tapat.”

“Ang badyet ay pera ng taumbayan. Karapatan nilang malaman kung paano ito ginagastos,” pagtatapos ni Dy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *