
SA hirap ng buhay sa Pilipinas, tinanggap ng 37-anyos na Pinay ang alok na maging babymaker sa bansang Georgia — pero ang biyahe patungo sa nasabing bansa, naunsyami matapos mabisto ng Bureau of Immigration habang pinoproseso ang mga bitbit na dokumento sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), hindi pinayagan makaalis ng bansa ang hindi pinangalanang Pinay na palipad na sana patungo sa lungsod ng Batumi, Georgia.
Sa kalatas ng ahensya, lumalabas na hindi tugma ang impormasyong ibinahagi ng Pinay baby maker ikumpara sa dokumentong ipinrisinta sa mga kawani ng naturang ahensya.
Unang sinabi ng Pinay baby maker na siya ay isang Sales Associate na biyaheng Georgia para sa negosyo pero nang mabisto, kusang inamin ang pakay sa nasabing bansa — ang maging surrogate mother.
Aniya, lalaki ang kanyang recruiter na kanyang nakakausap sa messaging application na “WhatsApp” kung saan inalok umano siya ng P28,000 sa kada buwan habang nagbubuntis at P5 milyon pagkatapos magsilang.
Ayon pa rito, nangako rin ang recruiter ng libreng mga medical treatment at iba pang benepisyo, bukod pa sa pagsagot sa gastusin tulad ng biyahe at pagproseso ng mga kinakailangang dokumento.
Ang babae ang ikawalong naitalang kaso ng illegal surrogacy na naharang sa mga paliparan, batay sa hawak na datos ng i-PROBES.
Buwan ng Oktubre nang sagipin ng otoridad ang 20 Pinay baby makers sa Cambodia.